Matagal na rin akong hindi nakakapagsulat, simula pa ata nung una akong dumating sa bansang ito. Mas madali rin kasing mag-"upload" ng mga larawan sa FB at hayaang ikwento ng mga larawang ito yung nakikita at nararamdaman ko habang sinusubukan kong ikahon sa aking alaala ang mga iyon. Alam ko namang hindi kayang ikahon ang mga sandaling iyon, kahit gaano man ka-"hi-tech" ang mga kagamitan sa pagkuha ng larawan. Sa ngayon nga, tanging ang iPhone ko ang kadalasang ginagamit ko dahil nga kahit saan pwede kong dalhin, habang naglalakad ako o nagbibisikleta, maaari na akong kumuha ng larawan kapag may nakita akong kaaya-aya sa paningin.
Sa bawat sandaling kinukuhanan ko ang mga larawang iyon, sa bawat pagpindot ng aking daliri upang ikahon ang mga alaalang iyon, sana nandoon ka, mahal.
Kasama sa mga pakikipagsapalaran ko, sa mga "pakikipag-usap" ko sa banyagang dila na tila isang pipi na gustong iparating sa isang normal na tao ang anumang nais iparating.
Kasama sa mga pagkaligaw dahil hindi mabasa ang pupuntahan na tila isang batang paslit na natututo pang magbasa.
Kasama sa karagatan ng mga taong may iisang mukha at salita, na sa gitna ng pag-alon sa karagatan iyon,
Kamusta ka na mahal ko?
makikita ko ang maamo mong mukha at ngiti sa aking batang kilos at pag-iisip,
ang kamay mong nagbibigay ng kasiguruhan habang hawak ang aking pawisang kamay sa kaba,
ang balikat mong mahihiligan ko matapos ang isang buong araw na pagkapagal sa pagtratrabaho,
maririnig ang boses mong tila isang musikang hehele sa akin upang mahimbing na pagtulog,
ang dantay ng katawan at yakap mong nagsasabi ng mga salitang hindi na kailangan mamutawi sa bibig.
Kamusta ka na mahal ko?
No comments:
Post a Comment